Martes, Oktubre 4, 2016

TAGAHUBOG sa KINABUKASAN


Guro ako, gurong Filipino...sandigan at pag-asa ng bayan ko. Kaalama’t karunungay iaalay sa’yo mga batang pag-asa ng mundo.” awiting tumutukoy sa tungkulin ng isang guro bilang pangalawang magulang ng mga mag-aaral na isinatitik at nilapatan ng melodiya nina Aaron Maderazo at Sherilyn Fidelino. Isinatinig naman ni Liezel Angeline Carabeo, pawang mga guro ng Calamba Elementary School na nagkamit ng ikalawang puwesto sa katatapos na Pansangay na Paligsahan sa Pagsulat ng Awit bilang paghahanda sa pagdiriwang ng Pambansang Araw ng mga Guro ngayong Oktubre 5, 2016.

Pagsisimula
Tuwing sumasapit ang buwan ng Oktubre nabibigyang-importansiya ang mga naiambag ng mga guro sa pagpapalawig, pagpapalaganap,  pagmamahal, pag-aaruga, at higit sa lahat ang pagpapaunawa sa kahalagahan ng edukasyon. Dito ipinadarama ng mga mag-aaral ang simpleng pagbati sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga bagay na makapagpapasaya sa kanilang maestra, liham o card na may nakapaloob na mensaheng tumatagos sa puso. Sa kanilang pasasalamat ramdam mo ang kainosentehan ng bawat letrang isinulat lamang sa labis at nilagyan ng kaunting kulay. Ganito naipadarama ang taos-puso  nilang pagmamahal sa kanilang naging guro at inspirasyon sa buhay.  Tunay na kabalikat ang mga guro sa pagbabago ng bawat indibidwal na siyang tema sa pagdiriwang ng World Teachers’ Day 2016.
Kahit sa edukasyon ay nagkaroon din ng pagbabago sa Pilipinas lalo na nang ipatupad ang bagong kurikulum na K to 12 Basic Education Program na sa kasalukuyang implementasyon ay nasa ikalimang taon na. 
Sa kurikulum na ito patuloy na huhubugin, paiigtingin, at pauunlarin ang kakayahan at talento ng bawat mag-aaral na tanging guro lamang ang aagapay upang makamit ang kanilang mithiin sa buhay. 
Kaagapay sa Edukasyon
          Sa paghubog ng mga kakayahan ng bawat indibidwal ay guro ang isang katuwang ng mga magulang. Malaking parte ang ginagampanan ng mga guro upang mapalaking maayos at maging isang responsableng mamamayan ang anak na hindi sa kanya nagmula.
          Guro ang tagapagtanggol ng mga mag-aaral sa loob ng silid-aralan kung may nais manakit o magrereklamo sa anak na hindi naman kadugo. Nasasaktan kung nakakarinig ng hindi maganda tungkol sa kanyang mag-aaral. Matagal pa nga ang itinatagal sa paaralan kumpara sa sarili nilang tahanan kung kaya naman hindi maiwasang mapalapit sa kalooban ng guro ang kaniyang mga estudyante.
          Bilang isang guro na may puso at itinuturing na anak ang mga batang nagmula sa iba’t ibang pamilya ay hindi natatakot sa batas na ipinatupad kung saan maaaring kasuhan ang mga gurong mapapatunayang inaabuso ang mga bata sa paraang berbal at pisikal na paraan ng pagdidisiplina. Mababasa ito sa Deped Order no. 40, s. 2012 na kinakailangang protektahan ang mga batang inaabuso sa iba’t ibang aspekto ng pananakit.
          Naipatupad rin ang Anti-Bullying Act of 2013 o Implementing Rules and Regulations of Republic Act No. 10627. Nakasaad batas na ito na maaaring sumailalim sa isang imbestigasyon ang mapapatunayang lumabag sa batas na ito. Kabilang rin dito ang cyber-bullying sa panahong laganap na ang paggamit ng multi-media o makabagong teknolohiya. Lahat ng ito ay nasa balikat ng mga guro at siya ang responsableng gagabay ang mga mag-aaral bukod sa kanilang mga magulang.
          Tao ang responsibilidad ng mga guro na kailangang hubugin, hulmahin, ituwid ang mga maling paniniwala, at higit sa lahat ipaunawa ang kahalagahan ng pag-aaral. Pumupunta sa mga tahanan upang matiyak ang dahilan nang hindi pagpasok sa paaralan. Makiusap sa mga magulang na papasukin ang mga bata at gabayan pagdating sa kanilang tahanan lalo na sa pagbabasa at pagsulat. Tanging sa paaralan lamang nasusubaybayan ng mga guro ang kanilang mag-aaral upang maibigay ang nararapat nilang matutuhan sa loob ng isang taong aralan.

Pasasalamat
          Ang pagiging guro ay hindi naghahanap ng anumang kapalit mula sa kanyang mga tinuturuan. Ibinibigay lamang niya ang kanyang pagmamahal, pagkalinga at buong kakayahan na matuto ang isang indibidwal kahit pa nga ito ang pinakamakulit at pinakapasaway sa buong klase. Minsan nga, kung sino pa ang teacher’s enemy ay siya pa ang bumabalik para magpasalamat.
          Sa bawat pagbabalik at pagbibigay ng pasasalamat ng isang dating mag-aaral ang regalong hindi matatawaran ng anumang halaga. Lalo na kung mababatid mong naabot na niya ang kanyang pangarap at kabilang ka sa kanyang pinasalamatan.
          Bawat nilalang ay may kanya-kanyang landas na tinatahak pero andiyan ka guro upang gumabay, umalalay, sumubaybay, at magtuwid sa mga maling daan na kanilang tatahakin. Ikaw ang pangalawang ina na hindi mawawala sa kanilang alaala. Kaya mga guro saludo kami sa inyo dahil katuwang namin kayo sa paghubog ng aming mga pangarap. Kayo ang patuloy na nagbibigay-lakas ng loob upang hindi maligaw ng landas bagkus ay nagsisilbing inspirasyon upang makamit ang inaasam na pangarap at siyang magsisilbing pag-asa ng mundo.

          Maligayang Araw ng mga GURO! Isa kang tunay na BAYANI sa puso ng iyong mga MAG-AARAL.


Mula sa sumulat: Maaari kayong magdagdag ng impormasyon upang maisama sa article na ito. Umasa kayo na mare-recognize ang inyong ambag. Marami pong salamat. 
               
Sanggunian: